Showing posts with label George Costales. Show all posts
Showing posts with label George Costales. Show all posts

Kung Iniwan Man Kita at Nangibang Bayan

Kung iniwan man kita at nangibang bayan.
natukso sa piling ng dayuhang kinang,
nilimot ang pait ng karalitaan,
naglunoy sa piling ng kasaganaan,
ngayong may gatla na at maraming uban,
tila ang isip ay naalimpungatan,
aking naalala ang pinanggalingan,

ahhh bakit ba kita iniwan iwanan,
ngayon ay sabik at gustong balikan
ngunit napiit sa kahinaan ang katawang
di na kayang sa agos lumaban
upang ang landasin ay aking balikan,
ang aking sinta at mahal na Bayan.

Bayang Cuyapo na aking sinilangan..
sana sa dapit hapon ng aking buhay
kung ako ay babalik upang humimlay
sa piling ng aking mga mahal sa buhay
tanggapin mo parin sa pagpapahingalay,
sa piling mo sana'y di na mahiwalay...

Isang natatanging tula ni George Costales para sa mga kababayan nating nangingibang bayan...

Balikbayan Box

ni George Costales

Pinagmasdan ko ang malaking sisidlan
at tila nasamid sa malaking kasabikan.
Isinalansan kong isa-isa sa kahon
ang sinala sa panlasang ipadadala.

Gaya ng aking paghimay sa dinadalang
salansan ng lungkot sa estrangherong daigdig.
Bawat espasyo ay pinupunan
ng sari-saring kahon, bote, lata, at súpot.

Hindi gaya ng nananatiling espasyo
sa bawat sulok ng aking sandali.
May nakaikid na kordon
ng pag-aalala sa dalawang PSP,
may mga lúkot ng yakap
sa tiniklop-tiklop na damit,
may selyo ng halik ang mga takip
ng binigkis na lalagyan ng gatas at vitamins,
may tatak ng pangamba ang tagiliran
ng nakaplastik na mga sapatos,
at may kasamang dalangin
ang pinagsama-samang canned goods at tsokolate.

Tiniyak ko na walang nakaligtaan
sa inyong mga kahilingan at ipinaglambing.
Gaya nang di ko malilimutan na banyagang
karanasang sa sarili ko na lamang ihahabilin.

At ngayong isasara ko na ang kahon,
ilalakip ko ang pabáong galak at pagdiriwang
na huwag ninyong kaligtaang buksan
kapag iniisa-isa n’yo na ang laman
ng nakakahon kong hininga.