'Ka Enteng Café' ng Pinoy paborito sa Vallejo, CA

Sa pangalan pa lang, hindi na maipagkakaila na Pinoy ang may-ari ng paboritong ‘moving cafeteria’ sa kalye Tuolumne ng Solano County sa Amerika, ang “Ka Enteng Café."

Kadalasang makikita ang “snack cart" o moving cafeteria ni Robert C. Dacquel, 50, tubong Cuyapo, Nueva Ecija, sa labas ng Vallejo court house, ayon sa ulat ng The Times-Herald.

Ipinangalan daw ni Robert ang kanyang maliit na negosyo sa kanyang yumaong lolo.

Dahil malayo sa mga kakompitensiya, malakas ang negosyo ni Robert na kadalasang mga kawani o mga taong may transaksiyon sa korte ang kanyang suki na naghahanap ng mainit na kape at mga kakaning Pinoy.

Ayon sa kuwento ng The Times-Herald, nagsimulang iparada ni Robert ang kanyang moving cafeteria sa Vallejo noong 1988 malapit sa city hall.

Pagkalipas ng sampung taon, lumipat na siya ng pwesto malapit sa court house na hindi naman kalayuan sa munisipyo.

Inilarawan sa ulat na malumanay na tao at magandang lalaki si Robert. Magtatapos na raw sana si Robert sa kursong electrical engineering nang lumipad siya sa US noong 1981.

Sa Amerika, hindi na maawat sa kasipagan si Robert na tila walang oras na gustong sayangin sa pagtatrabaho.

Mula 1982 hanggang 1987, nagtrabaho siya sa Silicon Valley sa ibat-ibang printed circuit shops. Kasabay nito, sinimulan na niya ang kanyang sariling negosyo, ang paglalako ng longganisa at tocino.

Hindi naman nakapagtataka ang pagpupursigi ni Robert sa paghahanap-buhay. Sa kanyang kabataan sa Pilipinas, nagtitinda na siya ng kakanin para makatulong sa ina.

Maagang naulila sa ama si Robert. Sa edad 9 o 10, tumutulong na siya sa kanyang ina sa pamamagitan ng pagbili ng tinapay sa madaling araw at inilalako naman sa mga bahay-bahay.

Taong 1988 nang tumigil na si Robert sa kanyang pinapasukan para tutukan ang lumalakas na negosyo.

Halos lahat daw ng selebrasyon sa Vallejo ay tiyak na nandoon si Robert para magtinda, kama na rito ang Jazz Festival, Farmers Market, Fourth of July, Whaleboat Regatta at, sa loob ng sa 10 taon, ay may concession siya sa Solano County Fair.

Kadalasan naman ay tinutulungan siya ng mga kamag-anak at mga kaibigan sa pagluluto at pagbebenta. Paborito ng kanyang mga suki ang lumpia na gawa ng kanyang ina, na ngayon ay 85 taong gulang na.

Sa loob din ng 13 taon, nagtinda ng pagkain si Robert sa Copart's yard sa South Vallejo. Kaya nga lang, nahinto ito noong Septyembre 2004, matapos magkaroon ng pagbabago sa patakaran ng negosyo sa lugar at hindi na kailangang pumunta doon ang kanyang mga suki.

Hindi biro ang negosyo ni Robert, malaking oras ang kanyang ginugugol dito. Kaya pagkalipas ng 13 taon sa pagsusuplay ng pagkain sa mga residente ng Vallejo, nagdesisyon siya na gawing “simple" ang hanapbuhay upang mapaglaanan ng panahon ang pamilya.

May tatlong anak si Robert sa kanyang kabiyak na si Rhodora Lopez. Si Alon, na junior student sa University of California sa Riverside; si Arra, sophomore sa University of California sa Davis; at ang walong taong gulang na si Asa na nag-aaral sa Pennycook Elementary School.

Aktibo rin si Robert sa gawaing simbahan. Katunayan isa siyang dekano sa Vallejo Bible Church at nagtuturo ng mga salit ng Diyos doon sa wikang Tagalog.

Upang mabigyan nang panahon ang pamilya, una niyang isinuko ang pagkuha ng kliyente sa mga festivals.

Taong 2004, sinimulan niyang magtinda ng hot dogs, sodas, juice, tubig, kape, pastries, chips, at iba pa.

Simple lang ang motibasyon ni Robert sa sarili: maging self-reliant at gawin ang gusto niya nang walang ibang nag-uutos--walang amo.

Batid ni Robert na mahigpit na ang kompetisyon sa pagtitinda ng pagkaing Pinoy sa kanilang lugar sa paglipas ng panahon.

Umaasa si Robert na balang-araw, sakaling tapos na sa kolehiyo ang dalawa sa kanyang anak ay matutupad rin ang kanyang pangarap na magkaroon ng sariling restaurant sa Vallejo.

Sa isang masipag na Filipino ay tiyak na hindi ito imposible. Mula sa Ka Enteng café ay magiging Ka Enteng restaurant? Bakit hindi?

 

Fidel Jimenez,GMANews.TV
Published on 02/28/2007 | 11:34 PM

No comments: