ni George Costales
Pinagmasdan ko ang malaking sisidlan
at tila nasamid sa malaking kasabikan.
Isinalansan kong isa-isa sa kahon
ang sinala sa panlasang ipadadala.
Gaya ng aking paghimay sa dinadalang
salansan ng lungkot sa estrangherong daigdig.
Bawat espasyo ay pinupunan
ng sari-saring kahon, bote, lata, at súpot.
Hindi gaya ng nananatiling espasyo
sa bawat sulok ng aking sandali.
May nakaikid na kordon
ng pag-aalala sa dalawang PSP,
may mga lúkot ng yakap
sa tiniklop-tiklop na damit,
may selyo ng halik ang mga takip
ng binigkis na lalagyan ng gatas at vitamins,
may tatak ng pangamba ang tagiliran
ng nakaplastik na mga sapatos,
at may kasamang dalangin
ang pinagsama-samang canned goods at tsokolate.
Tiniyak ko na walang nakaligtaan
sa inyong mga kahilingan at ipinaglambing.
Gaya nang di ko malilimutan na banyagang
karanasang sa sarili ko na lamang ihahabilin.
At ngayong isasara ko na ang kahon,
ilalakip ko ang pabáong galak at pagdiriwang
na huwag ninyong kaligtaang buksan
kapag iniisa-isa n’yo na ang laman
ng nakakahon kong hininga.
No comments:
Post a Comment